PRESS STATEMENT | CWC nakikiramay sa pagkamatay ng 2 Bata sa loob ng kotse sa Pampanga

Lubos ang pakikiramay ng Council for the Welfare of Children sa maagang pagpanaw ng 2 bata na may edad dalawa at tatlo taong gulang sa Angeles, Pampanga. Ayon sa ulat ng kapulisan, nakita sa cctv na nag lalaro ang dalawang bata sa lugar na pinaparadahan ng nasabing sasakyan, makalipas ng apat na oras ng paghahanap saka pa lamang natagpuan ang nasabing 2 batang wala ng buhay sa loob ng sasakyan. Batay sa optosiya, sila ay namatay dahil sa suffocation o pagkawala ng hangin sa paghinga. Hindi agad nakita ang dalawang bata dahil ang nasabing sasakyan ay fully tinted ang mga bintana.

Ang CWC ay patuloy na nanawagan sa lahat ng mga magulang, “guardians” at “caregivers”, na maging alerto tayo sa ginagawa at ginagalawan ng ating mga anak lalo na ang mga bata upang maiwasan ang ganitong sakuna o pangyayari. Kung may nais kayong isumbong o idulog o isangguni, ang CWC ay mayroong MAKABATA HELPLINE 1383 na matatawagan. Mayroon kaming mga lisensyadong social worker at abugado na handang makinig, magpayo at magbigay aksyon sa inyong mga idudulog sa anumang anyo ng pang aabuso sa mga bata maging ito man ay pisikal, sikolohikal at seksual. Apat na numero lamang po ang inyong idadial sa inyong mga cellphone at telepono 1-3-8-3.