π—žπ—”π—¦π—”π—Ÿ π—‘π—š π— π—šπ—” 𝗕𝗔𝗧𝗔, π—Ÿπ—”π—•π—”π—š 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗧𝗔𝗦 𝗔𝗧 π—žπ—”π—₯𝗔𝗣𝗔𝗧𝗔𝗑 π—‘π—š π— π—šπ—” 𝗕𝗔𝗧𝗔, π—šπ—œπ—œπ—§ π—‘π—š π—–π—’π—¨π—‘π—–π—œπ—Ÿ 𝗙𝗒π—₯ π—§π—›π—˜ π—ͺπ—˜π—Ÿπ—™π—”π—₯π—˜ 𝗒𝗙 π—–π—›π—œπ—Ÿπ——π—₯π—˜π—‘

Lubos na nababahala ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa viral post ng same-day-edit video na nagpapakita ng kasal ng dalawang batang may edad 10 at 14.

Ayon sa Republic Act No. 11596 o An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties for Violations Thereof, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapakasal kung saan ang alinmang partido ay wala pang 18 taong gulang. Ang sino mang mapapatunayang nagkasal, o kasangkot sa pag-iisang dibdib o pagsasama ng mga bata o ng isang bata at isang nasa hustong gulang ay pwedeng mapapatawan ng karampatang parusa alinsunod sa batas. Dagdag pa rito, ang kasal na nasagawa matapos maging epektibo ang batas ay tinuturing na void ab initio o walang bisa mula sa simula.

Ang child marriage ay isang paglabag sa karapatan ng mga bata na nakakaapekto sa kanilang pag-unlad. Kadalasan, ang mga batang napapabilang sa maagang pag-aasawa ay napipilitang tumigil sa pag-aaral, nagiging magulang nang maaga, at nahaharap sa mataas na panganib ng mga komplikasyong pangkalusugan. Bukod pa rito, ang child marriage ay nagdudulot ng matinding hadlang sa kanilang mga pangarap. Madalas, ito ay naglilimita sa mga bata sa kanilang pagkakataon upang magtagumpay sa buhay. Dahil rito, ang pagbabawal sa child marriage ay nalalapat sa lahat, anuman ang relihiyon o kultura.

Ang krimen na child marriage ay itinuturing na pampublikong krimen kung saan kahit sino ay maaaring magsampa ng kaso. Hinihikayat ng CWC ang bawat komunidad na maging mapagbantay at iulat ang anumang kaso ng child marriage sa MAKABATA Helpline 1383.

Ang MAKABATA Helpline 1383 ay maaaring lapitan ng sinuman upang iulat ang anumang uri ng pang-aabuso:
● Helpline Number: 1383
● Smart: 09193541383
● Globe: 09158022375
● Email: makabatahelpline@cwc.gov.ph
● Social Media: @MAKABATA_helpline
● β€œClick to Call” Feature: CWC Website
● DICT eGov Super App

Ang CWC ay patuloy na nagmamasid at nakikipagtulungan sa mga kinauukulan upang matiyak na ang mga bata ay ligtas laban sa anumang uri ng pang-aabuso at karahasan. Kung may paglabag sa mga karapatan ng bata, magsumbong sa MAKABATA Helpline 1383.

Lagi po nating tatandaan, anuman ang ating relihiyon o paniniwala, magkakasama tayo sa layuning tiyakin ang kaligtasan ng mga bata. Sama-sama nating gampanan ang ating responsibilidad na protektahan ang mga bata mula sa child marriage at tiyakin ang kanilang maayos na kinabukasan.